Mangarap ng Gising-Part 2

Read Part 1 

Isinulat ni Adrian Pantonial, 20 Hunyo 2008, 3:45 ng hapon-sa isang Computer Shop, tabi ng Nativity of the Lord Parish Cubao, Quezon City

Sa halos walong taong nakalipas mula nang maisulat ang unang bahagi ng journal entry na ito, masasabi kong may mga katotohanang nagbabago. Ang realidad ko noon ay may kaibahan na sa realidad ko ngayon—mula sa aking buhay, gayundin sa aming bahay, hanggang sa aspetong emosyonal, ispiritwal at pananaw ko sa buhay–may mga “pag-ahon” na ring naganap.

Kung dati’y magulo ang utak ko dahil sa kawalan ng trabaho, ngayo’y may kaliwanagan na kasabay ng pagkakaroon ko ng maayos na trabaho. Kahit na ang ginagawa ko ngayon ay hindi pa katuparan ng aking dream job, alam kong anumang dinadaanan ko ngayon—kasama na ang lahat ng stress—ay importanteng bahagi ng prosesong tinatahak ko patungo sa katuparan ng aking mga ginintuang pangarap.

Mangarap ng Gising - Part 2

Kung dati’y ginugutom ako sa kakaisip at wala namang makain, ngayon ay kain na lang ako ng kain habang may pambili. Kaya naman ang laki ng tinaba ko sa ilang taon ding lumipas. Masasabi ko rin, sa pagbalik-tanaw ko sa aking mga nakaraang larawan, na mas gumandang lalaki naman ako ngayon. WALANG KOKONTRA!

Iba’t Ibang Trabaho Para sa Pamilya

Naaalala ko lang, kabilang sa mga naging unang trabaho ko matapos ang aking Computer Science course ay ang pagiging Sales Clerk sa Big R Supercenter [ngayon ay Robinsons Supermarket] sa Robinsons Metro East, Cainta Rizal.

Kasama pa nga noon ang larawan ko sa malaking poster dun sa may entrance dati. Akala ko nga hindi na nila aalisin yun hanggang sa pagtanda ko kasi ipapakita ko sana sa mga magiging apo ko.

Nagtrabaho din ako bilang Academic Trainor sa Vogue Plus International, isang Entertainment Promotion Agency ng Auntie Liza ko na nagpa-aral sa akin sa kolehiyo. Doon, kabilang sa mga itinuro ko ang basic Nihonggo at Japanese Culture para sa mga nagnanais na makapunta sa Japan bilang Entertainer-karaniwang tinatawag na “Japayuki.”

Nagkaroon din ako ng trabaho bilang Data Encoder kung saan ginawa namin ang database ng National Statistics Office para sa mga birth certificates na kanilang ginagamit ngayon. Naging Office Clerk din ako sa Printwell-isang pabrikang gumagawa ng mga karton ng Safeguard, paper mats at lalagyan ng Mc Donald’s French Fries. Naging English Tutor din ako sa mga Koreano.

Ilan lang iyon sa mga napasukan kong trabaho upang maitaguyod ang aking pamilya at matulungan ang mga kapatid ko. Ngayon, dalawa sa kanila ay nakapagtapos na ng kani-kanilang college degree.

At syempre, malilimutan ko ba naman ang magta-tatlong taong career ko sa isang Call Center sa Eastwood City, Libis? Isang trabaho na labis na nakatulong sa pag-unlad ng aking kakayahang pinansyal. Nagpatalas ng aking pagsasalita sa English. Nagpa-payat sa aking pangangatawan. Halos simutin ng night shift kong trabaho ang lahat ng passion ko sa pagsusulat.

Nagturo din ito sa aking: maging determinado, assertive at huwag basta magpatalo sa laban ng buhay. Higit sa lahat, naging tuntungan ko ito sa aking trabaho ngayon bilang pinagpipitagang Customer Service Professional ng Pilipinas Shell.

Buhay Na Puno Ng Buhay At Kulay

Ngayo’y hindi na hungkag ang aming buhay. Nagsisimula na itong mamukadkad na tila isang bulaklak sa ilang na lugar. Hindi na kami kumakain sa sahig dahil nakabili na kami ng mesa at mga upuan. Marami na rin akong pam-pormang damit at naibibili ko na rin ng mga makukulay at magagarang damit ang aking mga kapatid.

Paminsan-minsan, kami na rin ang nagbibigay ng mga damit na napaglumaan sa mga taong nangangailangan at tumatanggap nito. Yung TV namin na may Heat Run? Pinaayos at pinamigay na namin. Ngayo’y may bago na kaming 21″ LG Colored TV na may DVD Player na may nakakabit pang speakers.

Dinispatsa na rin namin ang radyong paputol-putol ang tunog. Bumili ako ng JVC Casette Player & FM Radio dun sa unang sweldo ko sa Call Center na pinagtrabahuan ko at hanggang ngayon ay ginigising nito ang aming mga inaantok na diwa at nagmu-mutang mga mata sa umaga bago pumasok sa trabaho.

Dalawang electric fan na rin ang gumagana sa bahay ngayon. May bago kaming Oven Toaster na regalo ng dati kong Operations Manager sa Shell nung nakaraang Pasko. Buhay pa rin ang steamer na ginawang planggana pero may kasama na rin syang mga maliit, malaki at totoong planggana ngayon para sa mga hugasan at labahan.

Napalitan na rin ang dating termos at madalas na rin kaming uminom ng gatas courtesy of Alaska. Ang bintanang de-tanggal kabit ay tuluyan nang tinanggal at pinalitan ng jalousie glasses kasabay ng pagpapagawa ng pader–sa harap at likod ng bahay–at pagpapa-pintura ng buong kabahayan.

Ang dati naming tagpi-tagping palikuran ay tuluyan nang giniba at ginawan ng panibagong gawa na sa hollow blocks. Nawala na ang harding walang nag-aalaga dahil pina-simento na ito kung saan pina-parada ng kapatid kong si Joie ang kanyang motorsiklong Honda.

Ang kapatid kong ito na dati’y tila walang direksyon ang buhay? Ngayon ay nagtatrabaho na sa isang Call Center at may dalawa nang anak at syempre–isa lang na asawa.

Patungo sa Patuloy na Pag-unlad at Pagbabago

Ang dating kawawang tahanan ay patuloy nang napupuno ng buhay at positibong pagbabago, tawanang dala ng mga cute at bibong mga pamangkin ko. Hindi na rin kawawa ang tingin ko sa aking sarili gayundin sa aking mga kapatid dahil patuloy kaming nagsisikap at nagtutulungan upang lalo pang umunlad ang aming buhay.

Ngayon ay mayroon na rin kaming landline phone bukod pa sa mga cellphones na regalo ko sa apat kong kapatid.

Ito. Ito ang buhay ko ngayon at kasalukuyang realidad. Gayunma’t hindi perpekto ang sitwasyong kinakaharap sa araw-araw na pamumuhay–patuloy sa pag-inog ang aking mundo sa piling ng aking mga kapatid at Nanay na nagbalik na sa amin makalipas ang walong taong pagkakawalay.

Dito. Dito sa daynamiko at patuloy na nagbabagong tahanang ito, ngayo’y nagsasabog ng kulay ang bahag-haring nagtu-tulay sa aming marami pang bagong umagang hahantong sa katuparan ng aming malayo pa–ngunit hindi imposibleng maabot–na katagumpayan sa mga ambisyon namin sa buhay.

Patuloy akong mangangarap ng gising habang may buhay at pangarap.

%d bloggers like this: